Sabado, Marso 31, 2012

Pamahiin Churi


Pamahiin Churi (Theory)


                Mayaman ang kultura nating mga Pinoy. Isa sa mga kumukumpleto ng kultura natin ang mga pamahiin. Saan nga ba nanggaling ang mga pamahiin? Pa’no nagsimula o naggawa ang mga yun?
                Ang mga mababasa niyo ay pawang mga kuru-kuro ko lamang. Ang mga sumusunod ay likha ng aking very great at interesting na imahinasyon. (Wag magpigil ng ngiti. OK lang yan! :p )




·         Wag isukat ang damit pangkasal dahil baka hindi matuloy ang kasal.

Isa ‘to sa mga pinaniwalaan ko nung una ko ‘tong narinig. Kasi sagrado ang kasal, naisip ko baka nga kailangan talaga suotin ang Traje de Boda/Barong sa mismong kasal na. Pero! Pa’no kung maluwag? Pa’no kung masikip? Pa’no kung makati sa balat, may tumutusok, may butas o may kung anong mali sa damit??? Aber… Anong gagawin mo kung ilang oras na lang eh kasal mo na? Pa’no kung habang dahan-dahan kang naglalakad sa simbahan papuntang altar eh dahan-dahan ding sumisilip ang mga balat mo? O kaya naman e kulay talong ka na dahil hindi ka makahinga sa sikip. O di kaya naman e akalain ng mga tao sa simbahan na may earphones ka at nakikinig ng mga disco, RnB o HipHop music dahil bigla ka na lang nagpaPop and Lock dahil sa kati sa tagiliran mo o may naiwan pang aspile yung tumahi ng damit mo. Baka sabihin pa ng mga kaibigan mo na wala ka talagang sense of rhythm, wala ka sa beat kasi Love song ang kinakanta ng wedding singer ta’s ikaw ‘kala mo nasa ASAP ka. Makagiling ‘to… so you think you can dance? Eksaheradduuuhhh! Pero pa’no nga naman kung masira mo yung damit habang sinusukat mo, eh di hindi nga natuloy ang kasal. Kaya may ganyang pamahiin.



·         Sukob, pag may namatay na kaanak sa taong iyon hindi pwedeng magpakasal sa parehong taon ding iyon, mamalasin ang buhay ng kinasal. O pag may kinasal sa taong iyon hindi pwedeng magpakasal ang kapatid ng kinasal sa parehong taon, may mamalasin o mamamatay sa isa sa mga kinasal.

Narinig ko lang ‘to dahil sa isang pelikula. Meron pa lang ganong pamahiin. Di ko ‘to pinaniwalaan. Malamang imbento na naman ‘to ng mga matatanda noon! Syempre, kung ang isa sa mga anak nila e gustong magpakasal pagkatapos ng libing ng kaanak sa taong ding yon, eh langya! Laking gastos nga naman yon para sa mga magulang! Lalo pa’t nung mga unang panahon eh kababata pa nilang nag-aasawa at past time lang ang paggawa ng anak. Eh pa’no kung maisipan ng isa mo pang anak na magpakasal na at gagayahin pa ng iba mo pang anak. At dahil halos magkakasunod lang ang edad tapos labingdalawa sila… Por pabor!!! Pa’no kung lahat ay gusto nang matali??? Waaah!!! Kaya hindi ko rin naman masisisi ang mga matatanda noon kung bakit sila barbers pagdating sa ilang bagay. Eh ba’t ‘di na lang nila ipaliwanag? May katamaran din talaga, oo. Explain na lang tinamad pa o sadya lang matigas ulo ng mga Pinoy kaya kahit may visual aide ka pa habang nag-eexplain eh balewala rin. Kung anong gusto, masusunod kaya dinaan na lang sa superstition.



·         Wag pumito sa gabi, may lalabas na ahas.

Ok. Malamang galing ‘to sa Pinoy na “couch potato”.  Kakapanood ng TV kaya naimbento ang pamahiing ito at ang napanood niya ay isang Indian na hinihipan ang flute kaya lumabas ang ahas sa lalagyan na dala nito. Naniwala agad ang mga Pilipino sa mga nakikita sa mga dayuhan. Ayun. May sarili na tayong version. Wala tayong flute kaya pagpito na lang.
Pwede rin namang dahil may mga kapitbahay na natutulog na kaya bawal nang mag-ingay. Kung hindi ahas ang lumabas eh isang arinolang ihi ang makita mo kaya quiet na lang sa gabi.



·         Kung tapos ka ng kumain, wag magligpit ng kinainan kung may ibang taong kumakain pa. Hindi makakasal ang pinagligpitan.

Sa tingin ko isa ulit ito sa mga produkto ng pagiging barbero ng mga matatanda noon. Wala namang kung anong hiwaga ang nababalot sa pamahiing ito. Isa lamang ‘to sa mga paraan para ipaalala sa mga kasabay kumain na magbigay ng respeto sa iba.
Ganito siguro ang nangyari dati… (tininininininin… Maalaaaa aaalaaaa mo kaaayaaaa…) May isang manliligaw na dumalaw sa bahay ng kanyang iniirog. Inabot na siya rito ng gabi kaya inaya na ng mga magulang ng dalaga ang binata na doon na sa kanila  maghapunan. Naunang natapos kumain ang dalaga at tatangkain niya sanang magligpit ng pinagkainan nang… “Oh Maria, anong ginagawa mo?” “Magliligpit na po.” Naisip ng matanda na kawalang galang ang pagliligpit ng kinainan gayong hindi pa tapos kumain ang binata. “Hindi mo ba alam na may pamahiin na kapag nagligpit ka ng pinagkainan mo habang may kumakain pa eh, hindi makakasal ang pinagligpitan mo. Kung sa amin ay ayos lang dahil kasal na kami pero si Pedro. Ibaba mo muna ang plato mo sa lamesa at hintayin ang lahat na makatapos.” Marahil ay pasaring na rin ito para sa dalaga na maari silang hindi makasal ni Pedro sa gagawin niyang pagliligpit kaya minabuti ng dalaga ng sundin ang payo ng magulang at maghintay. Dito po nagtatapos ang ating kwento.
Kasi nga naman kung naiwan ka pang kumakain tapos pagliligpitan ka, anong mararamdaman mo? Parang pinagmamadali ka ng kumain o kaya dahil sa pagligpit nya ng kinainan niya eh parang tinanong ka na rin niya na “Hindi ka pa ba aalis??” Medyo pabor din ako sa pamahiin na ‘to. 3 stars para sa mga nag-imbento nito pero hindi pa rin ako sang-ayon na dapat gumawa ng pamahiin para lang mangyari ang dapat. Pwede naman kasi ‘tong ipaliwanag para maintindihan. ‘Di ba? ‘Di ba?


·         Wag magwalis sa gabi, malas.

Hindi masama ang maglinis ng bahay. Hindi masama ang magwalis pero sabi ng mga matatanda wag sa gabi. Wag magwawalis ng bahay sa gabi dahil malas. Ang mga pamahiin ay nagsimula pa noon kaya eto na naman at may teyorya ako  para dito. Syempre, dahil noon pa ito nagsimula mga matatanda na naman ang mga imbentor nito. Karamihan siguro ng mga Filipino dati ay sa lapag o sahig natutulog. Maglalatag ng banig, ok na. Siguro dati may naunang matulog na nanay o tatay. Magaspang ang sahig kaya gusto ng anak na magwalis. Pagod ang magulang niyang naunang matulog kaya hindi na nito kaya pang bumangon. Sinabi na lang ng magulang na malas ang magwalis sa gabi. Ayun. Dahil jan… (may nagtext?) wala! May naalala pa akong isang pamahiin. Sabi nila kung magwawalis daw ay wag palabas ng pinto, lalabas din kasi ang swerte. Swerte ang kalat?? Nasabi na rin kasi sakin ‘to ng nanay ko. Pagkasabi niyang lalabas ang swerte, napatingin ako sa mga plastic ng chichirya, alikabok at lupa na nawalis ko. Naisip ko tinuturing ni nanay na swerte ‘tong plastic ng chichirya, alikabok at lupa?? Bakit?? Itong pamahiin na ‘to naman eh nabuo dahil siguro ayaw ng mga matatanda noon na madumihan ang harapan ng bahay kaya instant pamahiin agad para wala ng tanong-tanong pa.



·         Wag maggupit ng kuko sa gabi, malas.

Sa tingin ko, hindi malas ‘to (syempre). Malas mo lang kung magupit mo ang daliri mo. Yon! Yon ang malas. Isinilang ang pamahiing ito dahil dati wala pang kuryente sa karamihan. Mga gasera o kandila lang gamit nila para lumiwanag sa loob ng bahay. (makapagkwento parang totoo eh noh haha) Hindi makakapagbigay ng sapat na liwanag iyon kaya delikado maggupit ng kuko baka nga magupit mo daliri mo. Goodluck! Baka pagkatapos mo maggupit namumutla ka na dahil sa dami ng dugong nawala sa’yo.
Applicable din dito ang maagang natulog na parents. Syempre dahil gabi na pag naggupit ka pa ng kuko, mahihigaan nila yon o mapupunta sa katawan nila. Eh di namura ka ng ‘di oras. Matutusok sila eh. Eh hindi mo pwedeng walisin dahil gabi na. Malas nga magwalis sa gabi ‘di ba? Tsk, tsk…


Pansin ko lang parang Feng Sui din pala ‘to pero Pinoy style. May basehan man o wala, kailangan mong sundin para sumang-ayon ang swerte sa’yo.
Sa opinyon ko, hindi makakatulong sa atin ang mga pamahiing ito. Hindi mo gustong maging kahiya-hiya sa kasal mo. Hindi mo rin gustong tiisin na marumi ang bahay niyo. Hindi mo rin gustong tiisin na mahaba ang kuko mo kung hindi ka naman mangungulangot. Pwede mong gawin ang kahit ano basta wala kang nasasaktan o nasasagasaan. Total, buhay mo naman yan eh. Sabi nga ni Bon Jovi, I ain’t gonna live forever. I just wanna live while I’m alive. It’s my life. Tsaka hindi dadating sa’yo ang swerte kung hindi para sa’yo. Naniniwala rin akong ang pagiging swerte ay barkada ng kasipagan. Kung masipag ka, suswertehin ka. Ano nga’t swertehin ka, bigla kang yumaman eh kung tamad ka. Wala rin. Hindi rin magtatagal ang swerte mo.
Umbrella friend (Payong Kaibigan): Do what you think is right. Do what makes you happy.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento